‘Isang Himala’ REVIEW: Isang (Adaptasyon²)

 

‘Isang Himala’ REVIEW: Isang (Adaptasyon²)

Elsa (Aicelle Santos) at Aling Saling (Bituin Escalante) | Litrato na galing sa CreaZion Studios

Where to Watch:

NOTE: For English readers, there will be an English translation of the article at the bottom of the page.

Maaari nating iuri ang mga pelikulang musikal sa dalawa; mayroong mga kwentong dumadaloy sa saliw ng musika at mayroon rin namang musika ang siyang mismong nagpapaandar ng kwento. (Marahil para sa iilan, “pointless” ang paglalatag ng pamantayang ito, at nasa bawat isa naman sa atin kung alin ang pipiliin at ituturing na ‘mas’ maganda.) Mas pumapabilang ang Isang Himala sa ikalawa. 

Sa sinehan man pinapalabas ang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na ito, mala-dalawang oras na misa ang panonood ng Isang Himala. Nakatataas-balahibo ang husay ng pag-awit ng koro at syempre, kailangan may “sermon” sa gitna. Bato-bato sa langit, ang matamaan, aba’y “deserve” lang niya. May pakiramdam na mahaba ang pelikulang ito. Liriko ang nagpapausad sa kwento, kahit na may mga pagkakataong mas maigi na lang sanang dinaan sa diyalogo ang eksena. Sa mga pelikulang musikal, emosyon ang tumutulak sa mga karakter na kumanta at hindi lang dapat para sa eksposisyon.

Kakki Teodoro bilang Nimia (kaliwa) at Aicelle Santos bilang Elsa (kanan) | Litrato na galing sa CreaZion Studios

Bukod sa pagpapaandar ng kwento, ang mga orihinal na awitin ni Vicente De Jesus, mula sa panteatrong musikal noong 2018 sa ilalim ng direksyon ni Ed Lacson, ang puso ng Isang Himala. At sino pa bang makakapagpatibok nito, kundi ang beteranong aktor mismo na mula rin sa teatro. Katulad na lamang ni Kakki Teodoro, na pinarangalan bilang Best Supporting Actress ng MMFF at Aicelle Santos bilang bidang Elsa. Buo ang tunog ng koro na swak na swak sa mensaheng laman ng bawat himig. At talaga namang ipinalalandakan nito ang “throat chakra” ng mga Pinoy. 

Upang makuhanan ang mga mahusay na pagtatanghal na ito, lohikal lamang ang pangangailangang magkaroon ng isang kontroladong produksyon. Sa teknikalidad ng mga bagay-bagay, bawat birit ng mga aktor ay nararapat lamang na makunan sa pinakamataas na kalidad.

Set ng Isang Himala | Litrato na galing kay Atom Araullo

Dito nagiging “unfair” — kung tutuusin, mali — na ikumpara ang Isang Himala ni Pepe Diokno sa Himala ni Ishmael Bernal. Mahirap hindi gawin, sa totoo lang, bilang ito ang “pinaka-source² material,” lalong lalo na sa mga hindi nakapanood ng musikal sa teatro. Lantad ang pag-iiba ng kwento at ng tagpo o “setting” mula sa pagkakasalin nito sa mas maliit na entablado.

Ang bayan ng Cupang ay isang karakter. May “backstory.” May mga katangian. Liban sa tuyo’t mabuhangin, may sarili rin itong arko sa dulo. At panghuli, para sa 1982 na bersyon nito, ang Cupang ay ang isang binihisang bayan sa Mindoro para sa produksyon ng pelikula. Dito rin nagmumula ang misteryosong kalidad ng bayan. Ang “pagshu-shooting” sa isang lokasyon ay mas naging epektibo sa pagpaparating ng mensahe ng kwento. Bagama’t piksyunal ang Cupang at lugar itong ibayo, hindi malayo sa bituka ang mga katotohanang isinisisiwalat nito tungkol sa lipunang Pilipino. 

Bidang si Elsa (Aicelle Santos) sa harap ng salamin | Litrato na galing sa CreaZion Studios

Dahil sa pag-iibang anyo ng Cupang mula sa Mindoro kay Bernal, sa entablado ng teatro sa Makati kina Lacson at De Jesus, at ngayon sa isang “soundstage” na pinaliligiran ng “green screen” sa direksyon ni Diokno, kaakibat ng pagbabago sa produksyon at materyal ang mga pagbabago naman sa mismong naratibo. Sa panulat ni Lee at Diokno, hindi lamang basta-bastang binago ang kwento ni Elsa (Aicelle Santos), mas lumawak ito sa pagdaragdag ng mga karakter, pati mga suliranin nila. Sa ganitong paraan, mas nailalapat sa kontemporaryong panahon ang Cupang.

Isang magandang adaptasyon ang Isang Himala. Matapang nitong sinuong ang MMFF bilang isang dalawang oras na dramang musikal, kahit kalimitan ang “genre” na ito sa mga manonood. Napangatwiranan nito ang mga pagbabagong inilihis sa orihinal. At higit sa lahat, mayroon itong nais pang sabihin sa mga manonood na epektibong naiparating ng bawat pihit sa mga ilaw, boses ng koro, at luha ng mga nagsiganap. Alinmang entablado ng teatro o sine, ihabi ang kwento ng Cupang, nananatili itong salamin sa mas malaking entablado ng ating lipunan. 

Ang Isang Himala ay isa sa sampung pelikulang tampok sa Metro Manila Film Festival 2024. Kasalukuyan itong ipinapalabas sa mga piling sinehan sa bansa, mula ika-25 ng Disyembre hanggang ika-14 ng Enero. Mapakikinggan na rin sa Spotify ang mga kanta mula sa musikal.

MORE FILM REVIEWS

MORE TV REVIEWS

MORE FEATURES

Previous
Previous

‘Espantaho’ REVIEW: A Family Affair

Next
Next

‘And the Breadwinner Is…’ REVIEW: A Vice Ganda You've Never Seen Before